Waitress, natagpuang patay sa GenSan

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2018 02:14 AM | Updated as of Jan 17 2018 05:10 AM

Kuha ng General Santos City Police Station 5

GENERAL SANTOS CITY - Natagpuang patay ang isang waitress sa isang kwarto sa likod ng videoke bar sa Barangay Tambler, General Santos City nitong Martes.

Hubad, duguan ang ilong, maga ang dibdib at may pasa sa kanyang leeg nang matagpuan si Jessa Mae Malila, 22.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, huling nakasama ng biktima ang customer nitong si Alvin Coremo, 18, at residente ng Barangay Labangal.

May testigong nakakita sa dalawa na magkasabay silang pumasok sa kwarto.

Nagtaka na lang umano ang ibang kasamahan ng biktima na matagal ang kanyang pagbalik.

Kaya nang buksan nila ang kwarto, tumambad sa kanila ang katawan nito.

Hinihintay pa ng mga pulis ang resulta ng autopsy sa bangkay ng biktima para matukoy na ang sanhi ng kamatayan nito.

Patuloy ang pagtugis kay Coremo para makuha ang bersyon nito sa insidente. 

Desidido ang pamilya ng biktima na sampahan ng kaso si Coremo na itinuturing nilang suspek sa insidente.

May dalawang anak ang biktima: 2-anyos ang kanyang panganay, samantalang ang bunso ay apat na buwang sanggol pa lang.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.