Empleyadong wala nang income tax, uutang dahil sa taas-presyo ng bilihin

ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2018 10:30 PM | Updated as of Jul 09 2019 01:05 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Wala nang buwis sa sinasahod ang mga empleyadong kumikita ng P21,000 o pababa kada buwan dahil sa bisa ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN).

Pero ayon sa isang empleyadong nawalan ng income tax, tila kulang ang mas mataas na take-home pay para makontra ang pagtaas naman ng presyo ng bilihin dahil pa rin sa TRAIN.

Kuwento ng breadwinner na si Rose Evangelista, laking tuwa niya noong una nang malamang exempted na sa income tax ang mga tulad niyang kumikita ng P21,000 kada buwan.

Si Evangelista rin kasi ang gumagawa ng budget para sa gastusin ng kaniyang pamilya.

May dalawa siyang batang anak na tinututukan sa bahay ng kaniyang mister.

Base sa Pinoy Tax Reform Calculator ng ABS-CBN News, dating kinakaltasan ng P1,469.57 si Evangelista bilang empleyadong may dependents.

Dahil menos na sa buwis, ngayo'y dagdag take-home pay na ni Evangelista ang halagang iyan.

Pero ayon kay Evangelista, tila hindi rin nila naramdaman ang ginhawa.

"Sana... Pinalasap 'yong... tax bumaba," ani Evangelista. "Bigla kasing may kapalit agad e, andiyan agad 'yong expenses."

Kung kukuwentahin kasi ang imemenos na kontribusyon sa gobyerno, tulad ng PhilHealth, Pag-IBIG, at Social Security System, matitira ang P19,767.45 sa buwanang sahod ni Evangelista.

Sa budget ni Evangelista, P10,000 kada buwan ang nakalaan sa pagkain ng kaniyang pamilya, kabilang na ang gatas ng kaniyang bunsong anak.

P3,500 naman ang nakalaang pambayad sa kuryente at tubig, P1,500 ang budget sa cellphone load, P1,500 din para sa kabuuang buwanang pamasahe, at P2,500 para sa gasolina.

May matitirang P767.45 sa kaniyang suweldo na puwedeng pang-ipon o kaya'y "emergency fund" o pondong nakahanda sakaling may biglaang kailanganing bayaran.

Pero dahil tumaas na ang presyo ng petrolyo, magagamit din ang sana'y maitatabi pang halaga ng pera ni Evangelista.

"Biro mo last week, di ba, nasa ano lang tayo parang P47 to P48 [ang gasolina kada litro], ngayon nasa P52 na," ani Evangelista. "P700 to P1,000 ang madadagdag mo agad sa expense. O di 'yong parang natipid ko doon sa tax, gasolina pa lang."

Dahil sa dagdag na gastos, tingin tuloy ni Evangelista, bawal na silang magkasakit na pamilya. 

Bawal na rin aniyang magsaya o magliwaliw kung gagastusan din ito. 

"Ngayon ang mangyayari, di ba, the usual na ginagawa ng mga Pilipino, uutang na lang din," ani Evangelista. 

Plano ngayon ni Evangelista na magtipid sa cellphone load, pagkain, at kuryente.

Inaasahan pa kasi ang pagtataas ng presyo ng iba pang mga bilihin, pamasahe, pati na singil sa mga serbisyo gaya ng kuryente sa mga darating na buwan.

Sa taya ng Department of Finance noon, nasa apat na milyon ang middle-income earners na kumikita ng P21,000 kada buwan.

Pero lalong mas hirap ngayon ang minimum-wage workers na dati nang walang income tax, pero ngayon ay tinatamaan din ng pagtaas ng presyo ng bilihin. 

Tantiya ng Department of Labor and Employment (DOLE), nasa apat na milyon sila.

Kaya pinag-aaralan na rin ng DOLE ang pagbibigay sa kanila ng dagdag na P500 na subsidiya.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.