SK, inutusang kilalanin, isuplong ang mga kaalyado ng CPP, NPA

ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2019 10:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Target isuplong ngayon ng National Youth Commission (NYC) ang mga grupo ng kabataang kasabwat diumano ng mga rebeldeng komunista para "pabagsakin ang pamahaalan."

Ayon kay NYC Chair Ronald Cardema, na kilala noong promotor ng Duterte Youth Movement, inuutusan niya ang mga nasa Sangguniang Kabataan (SK) na kilalanin ang mga grupong kaalyado ng Communist Party of the Philippines-New People's Army (CPP-NPA). 

"We are ordering the 400,000 SK leaders throughout the country to help the government... [to] make a stand now, report to the NYC all anti-government leftist propaganda in your area," aniya. 

Dapat din aniyang ipatanggal o ipabura ng SK leaders ang mga bandalismo nila at isuplong ang mga nasa likod nito.

Nababahala naman si Raoul Manuel ng grupong Youth Act Now Against Tyranny sa mga pahayag ni Cardema.

"It really endangers the lives of students and it equates being critical and promoting change in our country as being a terrorist," ayon sa youth leader. 

Samantala, pinabulaanan din ng Philippine National Police ang akusasyong pino-profile nila ang mga personalidad na diumano'y may kaugnayan sa mga rebeldeng komunista.

"Ang mga nagrereklamo lang naman dito ay 'yung nagbabalak gumawa ng masama, but the rest of the Filipino people would want the state to protect them from infiltration of the enemies," giit ni PNP spokesperson Chief Superintendent Benigno Durana Jr.

Hunyo 2017 nang ipatigil ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pormal na peace talks matapos ang umano'y patuloy na karahasan ng CPP-NPA. 

Noong nakaraang taon naman ay sinuspende din ang lahat ng back-channel negotiations sa pagitan ng gobyerno at mga komunistang grupo. 

Disyembre ay iniutos ni Duterte na "wasakin" lahat ng puwersa ng CPP-NPA.

—Ulat ni Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.