Grade 11 student kritikal matapos pagtulungang bugbugin umano ng kapwa estudyante

Elaine Fulgencio, ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2019 07:01 PM

Kritikal ang isang Grade 11 student matapos umanong bugbugin ng mga kapwa estudyante sa bayan ng Mangaldan, Pangasinan nitong Martes.

Ayon sa report ng pulisya, hindi pa rin nagkakamalay sa ospital ang 19 anyos na si Kenneth Langit matapos bugbugin sa loob ng Mangaldan National High School.

Kuwento ng kaklase ni Kenneth, papasok na sila sa klase nang makasalubong ang tatlong Grade 12 students sa gym.

"Hinamon si Kenneth ng suntukan tapos tinulak po niya classmate ko tapos bumawi po si Kenneth tapos nakita ng mga kasama niya, tumulong," ayon sa kaklase.

Bumagsak na raw si Kenneth bago maawat ng mga security guard. 

Hinuli ng pulis ang 19, 22 at 23 anyos na mga Grade 12 student na kinasuhan ng frustrated murder. 

"Kasi nanggaling ako sa CR tapos nakaharang sila sa daanan...dumaan ako sa harap nila, dun na nagsimula 'yun parang nabastos ko siya," ayon sa isang suspek.

Iniimbestigahan na rin ng pamunuan ng eskuwelahan ang anggulong alitan sa babae, lalo’t wala naman daw masamang record si Kenneth. 

Higit 7,000 ang estudyante sa Mangaldan National High School. Ayon sa guidance counselor's office, noong school year 2016 to 2017 may 45 kaso ng bullying at 78 kaso ng pananakit ang naitala. 

"May spiritual counseling din sila. Kung malala, tinatawag namin 'yung mga magulang para magabayan sila at maayos ang problema," ani Maria Amor Biagtan, guidance counselor ng paaralan.

May apat na security guard at 6 na CCTV cameras sa palibot ng eskuwelahan at balak pa itong dagdagan. 

Hinihintay pa ng pamilya na makauwi ang nanay ni Kenneth na overseas Filipino worker sa Kuwait para ituloy ang kaso laban sa tatlong estudyante. 

Kamakailan lang ay umigting muli ang panawagan sa aksiyon upang maiwasan ang mga insidente ng bullying sa mga paaralan matapos ang insidente ng pananakit ng isang high school student sa kaniyang kaklase sa Ateneo de Manila University.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.