Barangay hall sa Binondo na nakaharang sa kalsada pinatatanggal

ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2019 12:40 PM

Bukod sa mga lumalabag sa illegal parking at humaharang na street vendors ay sinita rin ng MMDA ang isang bus na ginagawang barangay hall na nakaharang sa daan. Screengrab

Nagsagawa ng clearing operations ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Alvarado St. sa Binondo, Maynila nitong Miyerkoles bilang tugon sa mga reklamong natatanggap tungkol sa illegal vendors at illegal parking.

Pero bukod dito ay nadiskubre pa sa operasyon na isa sa mga nakahambalang sa daan ang bus na ginawang barangay hall ng Barangay 292 Zone 28.

May mga dekorasyon na rin itong Christmas lights at mga halaman sa paligid.

Ayon kay barangay chairman Hans Kerwin Gao, naroon na ang barangay hall nang magsimula ang kaniyang termino noong Hulyo 2017.

Nangako si Gao na aalisin ito at humiling na bigyan sila ng dalawang linggong palugit para maayos ang mga kable ng mga nakakabit na CCTV. 

Pinagbigyan naman ito ng MMDA para hindi maantala ang operasyon ng barangay. 

Nabigyan naman ng ticket ang barangay mobile dahil sa illegal parking, maging ang ilang pribadong sasakyan at motorsiklo na nakahambalang sa naturang daan. 

Pinaalis din ang mga sidewalk vendor sa lugar.

-- Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.