2 holdaper patay sa engkuwentro sa QC

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2019 08:00 AM | Updated as of Jul 25 2019 09:07 AM

MAYNILA - Patay ang 2 holdaper matapos makipagpalitan ng putok sa mga pulis sa Barangay Payatas A, Quezon City nitong Huwebes, ayon sa awtoridad.

Wala pang pagkakakilanlan ang mga suspek.

Naiulat ang panghoholdap sa loob ng isang pampasaherong jeep sa Payatas-Montalban road alas-3 ng madaling araw, ayon kay Police Lt. Colonel Joel Villanueva ng Batasan Police.
 
Kuwento ng nakakita na si alyas JC, nag-aabang siya ng masasakyang jeep pauwi ng Montalban nang makita niya ang 6 na lalaking lulan ng 3 motorsiklo na hinarangan at tinutukan ng baril ang mga pasahero ng jeep.

Tinangay nila ang mga bag ng mga pasahero bago kumaripas.

Tiyempong may rumorondang mga pulis kaya natunton ang mga suspek.

Pero imbes na sumuko sa mga pulis ay nagpaputok umano ang mga suspek, dahilan para mapuruhan ang 2 holdaper.

Narekober sa pinangyarihan ng engkuwentro ang mga bag ng mga biktima at mga baril. Patuloy namang tinutigis ang iba pang mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.