3 umano'y carjackers patay sa engkwentro sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2017 09:46 AM

MANILA - Patay ang tatlong hinihinalang magnanakaw ng sasakyan matapos umanong manlaban sa mga pulis sa Novaliches, Quezon City Lunes ng madaling-araw.

Bago nito, sinasabing tinangay ng tatlong suspek ang isang motorsiklo mula sa parking lot ng isang kainan.

Kuwento ni alyas "Jan," may-ari ng motorsiklo, pumasok siya sa kainan para maghintay ng kliyente pero, "paglabas ko wala na 'yung motor ko... Hindi ko po alam paano, nasakin 'yung susi."

Sa hindi kalayuan, natiyempuhan ng mga rumurondang pulis ang motorcycle rider at dalawa nitong kasamahang may itinutulak na motorsiklo sa Pasacola Street.

Dahil sa posibilidad na ninakaw ang dalang motorsiklo, sinita sila ng mga awtoridad, pero nakipagbakbakan umano ang mga ito.

Dead on arrival sa ospital ang tatlong hindi pa nakikilalang suspek.

Nabasag naman ang salamin ng police mobile dahil sa mga tama ng bala ng baril, pero walang nasaktan sa panig ng mga pulis.

Kinumpirma ni Jan na pag-aari niya ang motorsiklong dala ng mga suspek.

Inaalam pa ng mga imbestigador kung may kinasasangkutang sindikato ang mga napaslang. -- Ulat ni Angel Movido, DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.