Presyo ng tilapia tumaas sa ilang palengke

ABS-CBN News

Posted at Jan 14 2020 05:56 PM

Tumaas na ang presyo ng tilapia sa ilang palengke sa Metro Manila matapos bumaba ang suplay bunsod ng pagputok ng bulkang Taal.

Sa Commonwealth Market sa Quezon City, nasa P120 na ang presyo ng tilapia mula P100.

Tinatayang 15 metriko tonelada ang nawalang suplay ng tilapia dahil sa pag-alboroto ng bulkang Taal, ayon sa Department of Agriculture (DA).

Naghahanap na ng alternatibong mapagkukuhanan ng tilapia ang DA para hindi na magkulang pa ang suplay ng produkto at magkaroon ng taas-presyo.

Nanawagan ang DA sa mga supplier na huwag manamantala sa pagbaba ng suplay ng tilapia para kumita nang mas malaki.

Nangako rin ang DA ng tulong sa mga magsasaka at mangingisda na apektado ng pagsabog ng bulkan na mamimigay sila ng fingerlings, livestock, mga seed, at planting material.

Umabot na sa P577.39 milyon ang pinsalang naidulot ng pag-alboroto ng Taal sa agrikultura, ayon sa DA.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.