NGO nag-donate ng N95 masks para sa mga apektado ng pagsabog ng Taal Volcano

Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

Posted at Jan 14 2020 07:15 PM

Idinaan ng Balay Mindanaw ang kanilang donasyong 3,000 face masks sa ABS-CBN Foundation para sa mga naapektuhan ng pagsabog ng Taal Volcano. Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News


CAGAYAN DE ORO CITY - Aabot sa 25 karton na may lamang 3,000 piraso ng N95 face masks ang dala ng non-government organization na Balay Mindanaw para sa mga apektado ng ashfall mula sa pagsabog ng bulkang Taal sa Batangas.

Nakita ng grupo na nagkaubusan na ng suplay ng face mask sa mga bilihan sa mga lugar na apektado ng abo kaya nais nilang makatulong sa mga apektadong residente, lalo na sa mga responder.

"Yung extent ng ashfall ay masyadong wide at umaabot nga sa Metro Manila. At nadinig din namin sa mga news na nagkukulang na din 'yung mga mask so baka ito maka-support, with Disaster Aid International and Balay Mindanaw Foundation ay makatulong po ito sa mga residents or doon din sa mga responders na nangangailangan ng mask,” sabi ni Leonardo Bautista, DREAM Program Manager ng Balay Mindanaw.

Idinaan ng grupo sa ABS-CBN Foundation ang kanilang mga dinonate na face mask.

Ang N95 na klase ng face mask ay proteksyon sa grabeng asupre na ibinubuga ng bulkan. Kaya nitong masala ang maliliit na particles na puwedeng makasama sa katawan ng tao kapag nalanghap.

Makikipag-coordinate ang foundation sa mga partner gaya ng Armed Forces of the Philippines para mas mapadali ang paghatid at maipamahagi ang mga face mask sa mga nangangailangan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.