Mag-asawa patay sa banggaan ng motorsiklo, pickup truck sa Agusan del Sur

Charmane Awitan, ABS-CBN News

Posted at Jan 14 2020 07:46 PM

SIBAGAT, Agusan del Sur - Dalawa ang patay sa banggaan ng motorsiklo at pickup truck sa bayan ng Sibagat, Agusan del Sur Lunes ng umaga.

Dead on arrival sa ospital sa Bayugan City ang mag-asawang sina Robert at Emmylou Bebis matapos bumangga ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa isang pickup truck.

Papunta sana sa eskuwelahan ang gurong si Emmylou nang mangyari ang aksidente.

Sa imbestigasyon ng Sibagat Police, galing Butuan at papuntang Bayugan area ang pickup habang papuntang Barangay Afga sa Sibagat ang motorsiklo nang mangyari ang banggaan.

May nauna umanong aksidente kung saan nadulas ang isang trak bago pa ang banggaan ng motorsiklo at pickup.

“Nakita na niya ang Canter na nadulas na nag-apply siya ng brake and of course tinry niya na iwasan but then dumiretso siya dito sa kabilang lane, dumiretso siya ngayon sa guard rail. 'Yung area is curved siya siguro nabulaga itong XRM na may kasalubong siya sa lane niya mismo," paliwanag ni Police Maj. Charlie Kedyam, hepe ng Sibagat Police.

Aminado naman ang drayber ng pickup na madulas na ang kalsada dahil may kumalat umanong langis mula sa natumbang trak. Ito rin ang dahilan kaya napunta sila sa lane ng motorsiklo.

Hiling naman ng Sibagat Police sa mga motorista na huwag kalimutan ang pagsuot ng helmet.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.