Labor group, hihirit ng P313 umento sa minimum wage

ABS-CBN News

Posted at Jan 14 2019 08:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Maghahain ng petisyon ang isang labor group para hilingin na muling itaas ang minimum na sahod ng mga manggagawa sa Metro Manila dahil sa pagpapatupad ng mas mataas na buwis sa langis. 

Ayon kay Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) Spokesperson Alan Tanjusay, P313 ang hihilingin nilang dagdag sa sahod sa petisyong posible raw ihain sa Pebrero.

"Kinompyut namin ito at tinitingnan namin na dapat P850 na as of today ang minimum wage ng mga manggagawa sa buong bansa," ani Tanjusay.

Inaasahan kasi ng grupo na tataas muli ang presyo ng mga bilihin bunsod ng mas mataas na buwis na ipinataw sa langis nitong Enero alinsunod sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

Kasalukuyang nasa P537 ang minimum wage sa National Capital Region matapos magpatupad noong Nobyembre ng nakaraang taon ng P25 umento sa sahod.

Pero ayon sa grupong Employers Confederation Of The Philippines (ECOP), nakasaad sa batas na kailangan ng isang taong pahinga bago humingi ulti ng umento.

Wala ring nakikitang banta ng taas-presyo sa bilihin ang ECOP.

Ayon pa sa ECOP, malaki naman ang ibinaba ng presyo ng produktong petrolyo noong isang taon kaya naka-recover din ang mga manufacturer.

Maliban sa umento sa sahod, muling ihihirit ng ALU-TUCP ngayong taon ang hinihingi nilang P500 subsidiya.

--Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.