Mapanganib na pagsabog ng Taal pinangangambahan

ABS-CBN News

Posted at Jan 13 2020 04:44 PM | Updated as of Jan 13 2020 06:14 PM

Posibleng magkaroon pa ng "hazardous eruption" o mapanganib na pagsabog ang Taal Volcano, sabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ngayong Lunes.

Patuloy ang pag-alboroto ngayong Lunes ng nasabing bulkan na naging dahilan ng pagkalat ng abo, paglikas ng libo-libong residente sa mga bayan sa paligid nito, paglindol, pagkansela ng klase sa mga paaralan, at pagkaantala ng mga biyahe.

Nagdeklara na rin ng state of calamity sa Batangas para mapabilis ang paglabas ng emergency fund at mapako ang presyo ng mga bilihin, ayon sa vice governor ng lalawigan na si Mark Leviste.

'HAZARDOUS ERUPTION'

Ayon kay Ma. Antonio Bornas, chief ng Phivolcs volcano monitoring division, inaasahang ang isang malalang "eruption" ng Taal na maaaring maglabas ng "pyroclastic currents," isang delikadong paghalo ng steam, gas at ash o abo.

"Mayroon pa po tayong maaaring kinakaharap na mas hazardous po na eruption," ani Bornas sa panayam ng DZMM.

"Sa historical eruptions po ng Taal, pangkaraniwan po iyong climactic phase, itong pinakadulo po ng eruption, ito po iyong pinakamalala," aniya.

Noong Linggo, nagbuga ng ash cloud ang Taal na may taas na 50,000 talampakan, na naging dahilan para mabalot ng abo ang Metro Manila at mga karatig-lugar.

Nitong umaga ng Lunes, nagmistulang disyerto ang bayan ng Agoncillo sa Batangas matapos mabalot ng buhangin at abo, na halos 5 pulgada ang kapal sa kalsada.

Puspusan din ang operasyon ng mga awtoridad sa Agoncillo para palikasin ang mga residente mula sa mga barangay na mahirap pasukin dahil sa kapal ng abong bumagsak.

Pansamantalang itinigil ang rescue operation dahil zero visibility o wala nang makita sa paligid pero agad din itong nagpatuloy.

Nabalot din ng abo ang ilang lugar sa Cavite at Laguna.

Sa Tagaytay City, may higit 2,000 pamilya ang nanatili ngayong Lunes sa 24 evacuation center.

Karamihan sa mga evacuee ay galing sa Laurel, Talisay, at iba pang bayan sa Batangas.

Wala na ring turista sa Tagaytay matapos mabalot ng abo ang mga sikat na tourist destination sa lungsod.

 KURYENTE, TUBIG

Halos 150,000 residente sa Batangas at mga kalapit na probinsya ang nawalan ng kuryente matapos maapektuhan ng abong ibinuga ng Taal ang mga pasilidad ng mga electric cooperative at Meralco.

Tiniyak naman ng water concessionaires na Maynilad at Manila Water na hindi apektado ang kalidad ng tubig kahit bumagsak sa Laguna Lake ang abo.

Isa ang Laguna Lake sa mga pinagkukuhanan ng suplay ng 2 kompanya, na nagsusuplay ng tubig sa buong Metro Manila.

Kayang linisin ang tubig ng Laguna Lake sa mga water treatment facility, ayon kay Ronald Padua, head ng water supply operations ng Maynilad.

Ipinayo rin ng Maynilad at Manila Water sa publiko na na takpan nang maayos ang mga inipong tubig para hindi makontamina ng ash fall.

FLIGHTS NAANTALA

Naging dahilan din ang pag-alboroto ng Taal para maantala ang mga flight sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Bagaman nagpatuloy na ulit ang flight nitong tanghali ng Lunes, hindi pa rin lahat ay makalipad.

Isa ang Pilipinas sa mga bansang sakop ng Pacific Ring of Fire, na madalas nakararanas ng mga lindol at pagsabog ng bulkan bunsod ng mga pagbabago sa pisikal na porma ng anyong lupa at anyong tubig.

-- Ulat nina Dennis Datu, Ron Gagalac, Angel Movido, at Jacque Manabat

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.