MRT-3 dalawang beses nagka-electrical failure

ABS-CBN News

Posted at Jan 13 2019 12:20 PM | Updated as of Jan 13 2019 05:06 PM

MANILA - Dalawang beses nagpababa ng mga pasahero nang wala sa oras ang MRT-3 ngayong Linggo dahil sa electrical failure. 

Dakong alas-6:30 ng umaga unang nagpababa ng mga pasahero ang isang southbound na tren sa Kamuning Station dahil sa aberyang dulot ng mga lumang electrical sub-components tulad ng chopper, regulator at insulator, sabi ng pamunuan ng MRT-3 sa Twitter. 

Nakasakay naman anila ang mga pinababang pasahero sa kasunod na tren makalipas ang 2 minuto. 

Parehong aberya anila ang sinapit ng isang northbound train sa Ortigas Station pasado alas-2:30 ng hapon, dahilan para pababain ang 350 pasaherong nakalipat ng tren makalipas ang isang minuto. 

Humingi ng paumanhin ang MRT management at sinabing papalitan ang mga nagkaproblemang piyesa. 

Tinatayang 500,000 pasahero ang sumasakay kada araw sa MRT na nasa kahabaan ng EDSA. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.