Bata, patay matapos masabugan ng granada

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at Jan 13 2017 06:06 PM

ILOCOS NORTE- Patay ang walong taong gulang na batang lalaki matapos itong masabugan ng granada, Huwebes ng hapon.

Nakilala ang biktima na si Joshua Alvera, taga Sitio Capangdanan, Barangay Bomitog Banna, Ilocos Norte.

Ayon sa kapatid ng biktima na si Joseph, katatapos lamang daw mananghalian ni Joshua, ama at ina nito nang magpaalam ang bata na magbabawas.

"Pumunta ito sa may puno para magbawas, biglang may narinig na lang sila tatay na sumabog. Watak ang katawan ng kapatid ko nu'ng matagpuan," ayon kay Joseph.
 
Nakarekober ang pulisya ng fragments ng MK2 hand grenade. Ito raw ay posibleng nakita ng bata sa punong balete, kung saan sinusubsob ang baboy na nakatali sa puno.

"Noong unang panahon, ito ay nagsisilbing pahingaan ng mga sundalo, maaaring naiwan nila ito," ayon kay Senior Inspector Artemio Clemente.

Isang araw lang na ibuburol ang biktima sa kanilang bahay bago ilibing.