ALAMIN: May side effects ba ang 'detox'

ABS-CBN News

Posted at Jan 12 2019 07:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isa sa mga paraan para malinis ang kaloob-looban ng katawan ay ang tinatawag na "detox" o pagtanggal ng mga toxins.

Iginiit ng isang doktor na importanteng madetoxify ang katawan para maiwasan ang samu't saring karamdaman tulad ng cancer, diabetes o sakit sa puso. 

"Minsan 'yung body natin sobrang dami na nating toxins... so our body cannot cope up with the toxins we bring in," ayon kay Dr. Gwen Reyes-Amurao, isang health and wellness specialist.

Bagama't may sariling paraan ang katawan para maalis ang delikadong toxins, makatutulong daw ang paggawa ng hakbang para maiwasan pang madagdagan ang toxins.

Mahalaga rin daw ang pag-inom ng tubig. 

"If we drink a lot of water we can flush out these toxins. Lahat po ng dinadaanang tubing nagke-cleanse," aniya. 

Isa din daw sa maaaring gawing detoxification ang fruit and vegetable detox, kung saan kakain at iinom ng gulay at prutas. 

Mahalaga rin daw dito ang pagkain o pag-inom ng mga madadahon at berdeng gulay na mayaman sa fiber.

Ibinahagi naman ni "Good Vibes" host Ahwel Paz ang kaniyang karanasan sa vegetable detox, kung saan nakaranas daw siya ng pimples sa gitna ng nasabing proseso. 

"Ako po nag-try ako ng veggies na detox... hindi po ako pini-pimples dati, naglabasan 'yung pimples ko. Ang sabi ko nako, dapat ko bang itigil ito?" aniya. 

Ayon kay Reyes-Amurao, normal lamang ito sa simula.

"Actually ang body natin ginagawa niya nilalabas ang toxins. That's the initial reaction ng katawan. Later on you will notice gaganda na 'yung skin mo you will feel better kasi tinanggal na 'yung toxins sa body," aniya. 

Pero nagpaalala ang doktor na hindi ito maaaring gawin ng mga may karamdaman at ng mga umiinom ng gamot na pang-maintenance. 

Paliwanag niya na kinakailangan ng ilang gamot na kumain nang marami ang mga pasyente. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.