3 arestado sa drug den sa Sampaloc

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Jan 12 2019 09:51 AM

MAYNILA – Tatlo ang inaresto ng pulisya matapos umano sila maabutan sa loob ng isang hinihinalang drug den sa Mangga Avenue, Barangay Gulod sa Sampaloc dito sa siyudad, Biyernes ng hapon.

Ayon kay Senior Insp. Philipp Ines, public information officer ng Sampaloc Police Station, nakatanggap sila ng tip na may nagaganap na drug session sa naturang bahay, ala-1 ng hapon.

Agad na nirespondehan ito ng opisyal ng barangay at ng Gulod Police Community Precinct kung saan naaresto ang mag-asawa at isa pang suspek.

Nakuha sa kanila ang hinihinalang shabu at mga kagamitang may kinalaman sa ilegal na droga.

Depensa ng mag-asawa, nakitulog lang umano sila sa bahay.

Hindi naman umano alam ng isa pang suspek na nagtatrabaho sa isang parlor na drug den ang bahay ng kaniyang customer.

Kakasuhan sila ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Hinahanap naman ang tatlong nakatakas, kabilang ang may-ari ng bahay. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.