Lola at apo, patay sa salpukan ng tricycle at trak

ABS-CBN News

Posted at Jan 12 2018 02:58 AM

Patay ang isang lola at kaniyang apo matapos bumangga ang kanilang sinasakyang tricycle sa isang trak sa Barangay Camingawan, Kabankalan, Negros Occidental Huwebes ng umaga.

Kinilala ang mga nasawi na sina Cecilia Villaruel at apo niyang si Blessed Santillana, 4-anyos.

Ayon sa Kabankalan police, nangyari ang aksidente alas-7 ng umaga habang papauwi ang mga biktima galing sa isang reunion sa Bayawan, Negros Oriental.

Bumangga ang tricycle sa kasalubong na trak na minamaneho ni Camillo Margallo.

Pahayag ni Margallo, hindi niya inaasahan na pupunta ang tricycle sa kanyang lane.

Tumakbo si Margallo pagkatapos ng salpukan at sumuko sa Bayawan police.

Limang iba pang pasahero ng tricycle ang dinala sa ospital.

Mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide si Margallo. - ulat ni Mark Gabriel Salanga, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.