Mag-ina patay sa pananaga sa Pampanga

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Jan 12 2017 05:09 PM

MACABEBE, Pampanga – Patay ang isang babae at ang kanyang isang taong gulang na anak habang kritikal naman ang asawa nito matapos silang pagtatagain ng kasamahang caretaker ng palaisdaan sa Barangay Consuelo Huwebes ng madaling araw. 

Magkasamang inilabas ang bangkay ni Sarah Perez at ng anak na pinatay sa mismong tinutulugan ng suspek na si Michael Lazaro.

"Kasama nila nagiinuman itong suspek January 11, mga 7:30...nung naka-anim na na gin, tumigil na sila nagpaalam na yung suspek, uuwi sa kabilang kubo. Yung dalawang bisita ng pamilya Perez natulog na sa baba ng bahay tapos yung padre de pamilya, pumanhik na rin sa kwarto ng pamilya niya," sabi Police Inspector Efren David Jr., hepe ng Macabebe Municipal Police Station.

Halos matanggal na ang ulo ni Perez sa tindi ng pagkakataga sa leeg at iba pang bahagi ng katawan, habang may mga taga rin sap aa at iba pang bahagi ng katawan ang anak nito.
 
Ayon sa isang saksi, bandang alas-12 ng hatinggabi nang magising siya at makarinig ng ingay na una niyang inakalang away mag asawa lamang.

"Tapos nakita ko yang suspek pababa ng hagdaan hawak ang itak yung kris...pag-alis niya sinilip ko yung kwarto nakita ko agad yung lalaki duguan ang ulo. Tumawag na ako ng kasama ko," sabi ni alyas “Boy”.

Kaagad itinakbo sa ospital sa Hagonoy, Bulacan ang amang si Jojo na nananatili pa rin kritikal ang kalagayan.

Agad namang nahuli ang suspect sa follow-up operation ng pulisya sa tinutuluyan nitong kubo, ilang metro lamang ang layo sa pinangyarihan ng krimen.

Narecover sa kubo nito ang itak na tinatawag na kris pero mariin niyang itinatanggi ang akusasyon.

"Hindi po ako ang may gawa nun," sabi ni Lazaro.

Pero nanindigan si “Boy” na siya ang suspek at idinagdag pa na gumagamit din si Lazaro ng droga.

"Inaalam pa natin kung nagdodroga. Ipapa-drug test natin pero ang napagalaman natin sa dating pinagtatrabahuhan kapag nakainom nagwawala ito at itinatali pa," sabi ni David.

Iniuwi na sa Hagonoy, Bulacan ang bangkay ng mag-ina habang mahaharap sa kasong double murder at frustrated murder ang suspek na si Lazaro.