Lalaki huli sa 'panggagahasa, pagpatay' sa person with autism sa Quezon

ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2020 06:25 PM

Arestado ang isang 33 anyos na lalaki sa panggagahasa at pagpaslang umano sa 16 anyos na dalagita sa Tayabas, Quezon. 

Kuwento ng ama ng biktima, gabi ng Martes nang mawala ang kanilang anak. 

Pagkatapos ng dalawang araw, nahanap ang bangkay ng biktima sa magubat na parte ng Barangay Ibabang Bukal. 

Wala itong saplot, may saksak sa leeg, at puno ng pasa sa buong katawan.

Naaresto sa follow-up operation ang suspek na si Jun Ryan Francia gabi ng Huwebes. Tumanggi itong magbigay ng pahayag. 

Nabatid din sa autopsy na ginahasa ang biktima, ayon kay Tayabas PNP investigator Aurelia Garcela. 

"Base doon sa examination na ginawa nila is na-rape rin 'yung bata," aniya. 

Pangalawa sa 6 na magkakapatid ang biktima at likas na raw dito ang mag-ikot sa kanilang barangay. 

Lubos ang pagdadalamhati ng mga kamag-anak ng biktima, lalo na't person with autism ang biktima. 

"Nakakaawa itong bata eh. Kung matutulungan nga, sa puwedeng tumulong ay mabigyan ng hustisya ang kanyang pagkamatay," ayon sa lola ng biktima. 

Nasa kustodiya ngayong ng pulisya ang suspek, na kinasuhan ng rape with homicide. 

-- Ulat ni April Magpantay, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.