Ibinaong mga armas at bala natunton sa bundok sa Surigao del Sur

Lorilly Charmane D. Awitan, ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2020 10:35 AM

Nahanap ng awtoridad ang mga armas at bala na ibinaon sa lupa ng mga hinihinalang kasapi ng New People's Army sa bundok sa Surigao del Sur. Larawan mula sa Police Regional Office 13

Natunton sa isinagawang joint police at military operation ang pinagtataguan ng mga armas at bala ng mga hinihinalang kasapi ng New People's Army sa bayan ng San Agustin sa Surigao del Sur, Biyernes ng umaga.

Sa tulong ng dalawang dating rebelde, nahanap ang mga baril at bala na nakabaon sa lupa sa Mt. Gacob sa Sitio Magkahunaw sa Barangay Buhisan.
 
Kabilang sa mga narekober ang dalawang kalibre .30 rifle, dalawang M1 Garand, isang rifle grenade at mga bala ng iba’t-ibang kalibre ng baril.

Ayon sa pulisya, ang pagkakadiskubre sa mga armas at bala ay resulta ng pagtutulungan ng mga pulis, sundalo at komunidad upang mapanatili ang kaligtasan at seguridad sa Caraga.

Nasa kustodiya na ng 9th Special Forces Company ang mga narekober na armas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.