Driver ng jeep na sangkot sa aksidente sa Makati, sumuko na

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2020 10:07 AM | Updated as of Jan 11 2020 07:28 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Sumuko na ang driver ng jeep na sumalpok sa van ng Philippine Navy sa bahagi ng Chino Roces Avenue sa Barangay Bangkal.

Ayon kay Police Chief Master Sgt. Sulpicio Monterde, traffic investigator, dinala ng operator ng jeep ang driver sa Makati Traffic Sector para sumuko, Sabado ng madaling araw.

Umabot sa 20 ang nasugatan sa banggaan kabilang ang 18 sakay ng pampasaherong jeep at dalawang sakay ng van.

Pito ang dinala sa Makati Medical Center, anim naman sa Ospital ng Makati habang sa military hospital dinala ang dalawang navy personnel. Nakalabas na ng ospital ang iba pa.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, mabilis ang takbo ng jeep at napunta sa kabilang lane kung saan nakasalubong ang van.

Pero giit ng driver ng jeep na wala siyang kasalanan. Aminado siya na mabilis ang takbo ng jeep pero mabilis din aniya ang sasakyan ng navy.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.