Quiapo Church, tutulong sa pamilya ng namatay na deboto

ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2018 04:36 PM

MAYNILA - Nagpaabot ng pakikiramay ang pamunuan ng Quiapo Church sa pamilya ng nasawing deboto sa kasagsagan ng traslacion ng imahen ng Itim na Nazareno noong Martes, Enero 9. 

Sa panayam ng Radyo Veritas, sinabi ni Rev. Fr. Douglas Badong, parochial vicar ng Quiapo Church, na magpapaabot sila ng tulong pinansyal sa pamilya ng debotong si Ramil dela Cruz. 

"Kami po ay nakikiramay at handa rin namang tumulong. Dadalawin din po siya ni Msgr. Coronel kung saan siya nakaburol," sabi ng pari. 

Ang Msgr. Coronel na tinutukoy nito ay si Rev. Msgr. Hernando Coronel, ang rektor ng Quiapo Church o ng Basilica Minore ng Itim na Nazareno. 

Muli namang nagpaalala ang Simbahan sa mga matatandang deboto o iyong may mga karamdaman na huwag nang makisiksik sa Traslacion. 

"Lagi naman po kami nagpapaalala kung kayo ay may karamdaman, matatanda huwag na po sumiksik lalu na po sa dami ng tao kasi nga dahil delikado," sabi pa ni Fr. Badong. 

"Talagang makikiusap at makikiusap lang kami na huwag na silang magpumilit. Kaya lang ang iba ay may panata."

Inatake sa puso si dela Cruz matapos makalapit sa andas ng Itim na Nazareno. Sa ospital na lang nalaman ng kanyang pamilya na may sakit pala ito sa puso. 

Nilinaw naman ng asawa nitong si Marie na hindi totoo ang kumalat na balita na lasing ang kanyang asawa noong dumalo ito sa Traslacion. 

Anya, matagal nang mamamasan ang asawa at hindi nito kakayanin ang paghatak sa lubid ng andas ng Nazareno kung ito ay nakainom ng alak. 

Bukod sa pagiging deboto ng Nazareno nang 3 dekada, si Ramil, na taga-Taguig, ay isa ring aktibong miyembro ng Bureau of Fire Protection.

Ngayong 2018, umabot ng higit 22 oras ang Traslacion ng imahen ng Itim na Nazareno. Hindi bababa sa 2.5 milyong deboto ang nakiisa sa prusisyon na isa sa pinakamalaking gawaing panrelihiyon sa Pilipinas. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.