'No. 2 most wanted' sa Gerona, Tarlac, arestado sa Cubao

ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2018 12:47 PM

Nasakote sa Quezon City nitong Miyerkoles ang isang puganteng itinuturing na ikalawa sa pinaka-wanted na kriminal sa bayan ng Gerona, Tarlac.

Nagsanib puwersa ang mga tauhan ng Quezon City at Gerona police para mahuli sa isang entrapment operation ang 31 anyos na si Ricarlos Luna sa isang mall sa Cubao.

Ipinagbigay alam ng mga kaanak ni Luna sa mga awtoridad ang kinaroroonan ng suspek, na takas sa bilangguan, matapos silang kontakin para hingan ng pera.

Unang nahuli si Luna noong Enero 2016 matapos masangkot sa kalakaran ng ilegal na droga pero nakatakas ito noong Disyembre ng nakaraang taon.

Pasko nang magpasugod sa ospital si Luna dahil sa umano'y sakit ng tiyan pero noong sumunod na araw ay tumakas ito at dumiretso sa Maynila.

Matapos mahuli, ibiniyahe ang suspek pabalik ng Tarlac.

-- Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.