Debotong namatay sa 'Traslacion' hindi lasing, ayon sa pamilya

ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2018 11:19 AM | Updated as of May 16 2019 01:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Umapela ng pang-unawa sa netizens ang pamilya ng 51 anyos na lalaking namatay sa kasagsagan ng traslacion ng Itim na Nazareno nitong Martes.

Nilinaw ni Marie Dela Cruz, misis ng namatay na deboto, na hindi lasing kundi nakainom lamang nang kaunti ang namayapa niyang mister na si Ramil.

Ginawa ng ginang ang pahayag sa harap umano ng mga bumabatikos sa kanila sa social media at ipinapakalat na lasing ang yumaong deboto ng Nazareno.

Paliwanag ni Dela Cruz, ang kanyang mister ay matagal nang mámamasán, ang tawag sa debotong nagbubuhat o humahatak sa lubid ng andas ng Nazareno.

Hindi aniya kakayanin ng isang lasing na gawin paghahatak ng lubid ng andas ng Nazareno kung ito ay lasing. Bukod pa rito, bawal ring sumampa sa andas ang mga lasing.

Inatake sa puso si Ramil matapos makalapit sa Poong Itim na Nazareno. Sa ospital na lang nalaman ng pamilya na may sakit pala sa puso ang kanilang padre de pamilya.

Ayon kay Dela Cruz, palilipasin muna ng pamilya ang ika-18 kaarawan ng kanilang anak bago ilibing ang kanyang mister. Pangako aniya nitong maghahanda sa kaarawan ng anak.

Bukod sa pagiging deboto ng Nazareno nang 3 dekada, si Ramil, na taga-Taguig, ay isa ring aktibong miyembro ng Bureau of Fire Protection.-- ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News