ALAMIN: Ano ang 'kakaibang sakit mula China' na ikinababahala ng DOH

ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2020 06:22 PM | Updated as of Jan 10 2020 08:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Madalas pumunta ng China ang overseas Filipino worker na si alyas "Bella" kasama ang kaniyang amo. 

Pero mula nang madiskubre doon ang bagong uri ng sakit na nakaaapekto sa respiratory system ng tao, hindi na muna sila pupunta doon. 

"Kinakabahan ako siyempre. Ayaw ko dumapo sa akin. Kasi mahirap po magtrabaho pag may sakit saka po pag nagkasakit ka may posibilidad na pauwiin ka ng employer mo," ani Bella. 

Sa isang pahayag, sinabi ng World Health Organization (WHO) at Department of Health (DOH) na hindi Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS) o Middle East respiratory syndrome coronavirus (MERS-CoV) ang sanhi ng kakaibang pulmonyang nakita sa Wuhan, China.

Base sa inisyal na impormasyon, isa pang uri ng coronavirus ang nakitang sanhi ng pulmonya doon. 

"Talagang mukhang bago siya na coronavirus na nagko-cause ng sakit sa tao. It seems transmission is not very easy. It’s able to cause severe disease pero so far, wala pang namamatay," ani DOH Undersecretary Eric Domingo. 

Gayunman, nakaalerto ang DOH at Bureau of Quarantine para maiwasang makapasok sa bansa ang naturang virus. 

"Since nag-alert ang ating Bureau of Quarantine, wala pa tayong nade-detect na any suspicious cases. Siyempre 'yung volume ng travelers between Philippines and China, Hong Kong, and other Asian countries medyo malaki 'yan. Sa region natin, alam natin na merong risk na merong may sakit na makapasok sa atin," paliwanag ni Domingo. 

Ayon kay Domingo, walang bisa ang flu vaccine sa coronavirus at malabong makagawa ng bakuna kontra dito. 

Kaya ang tanging panlaban ng publiko dito ay pag-iingat at pagpapanatili ng kalinisan. 

Bukod sa paghuhugas ng kamay, ang pagsusuot ng face mask ang isa rin sa mga epektibong paraan ng pag-iwas sa nakakahawang sakit. 
    
—Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.