Traslacion 2019 mas 'mabilis, mapayapa'

ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2019 03:06 PM | Updated as of Jan 10 2019 08:53 PM

Ayon sa taya ng mga awtoridad, nasa 1 milyon ang bilang ng mga sumalubong sa imahe ng Poong Nazareno sa Quiapo Church noong Huwebes. File Photo, ABS-CBN News 

Matagumpay na nakabalik ang andas ng Poong Nazareno sa Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo church nitong Huwebes ng madaling araw, matapos ang halos isang araw nitong pagtawid mula sa Quirino Grandstand.

Ipinrusisyon ang andas mula Quirino Grandstand 5:08 ng umaga noong Miyerkoles at nakapasok ito sa Quiapo church 2:12 ng madaling araw kinabukasan. ​

Watch more in iWant or TFC.tv

Tumagal nang tinatayang 21 oras ang Traslacion ngayong taon, mas mabilis kung ikukumpara sa higit 22 oras noong 2018.

Dahil umano ito sa mas mabilis na pag-andar ng andas bunsod ng bahagyang pagbago sa ruta. ​

Pero gaya pa rin ng dati, pahirapan ang pagpasok ng andas sa Quiapo church. 

Inabot nang mahigit 20 minuto ang pagtawid ng imahen sa Plaza Miranda sa dami ng tao. May mga ilan ding kinailangang isakay sa stretcher palabas matapos sumama ang pakiramdam. 

Ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO), nasa 4 milyon ang nakilahok sa sari-saring aktibidad ng Traslacion sa nakalipas na sampung araw.

Nasa 2.5 milyong deboto dito ang lumahok sa mismong prusisyon sa Maynila, ani NCRPO chief Director General Guillermo Eleazar. 

Isang insidente lang din umano ng pandurukot ang naitala sa buong Traslacion. 

"Mas mapayapa" rin umano ito kaysa noong nakaraang taon, dagdag ni Eleazar.

Wala ring naitalang patay habang nasa higit 1,000 naman ang bilang ng mga nahulog, nahimatay, at nasugatan sa kasagsagan ng Traslacion. -- Ulat nina Jervis Manahan at Lyza Aquino, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.