Karne, agri products, nakumpiska sa Davao airport

ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2019 03:40 PM

Sa gitna ng banta ng African swine fever (ASF), isiniwalat ng Bureau of Customs (BOC) na sari-saring "misdeclared" agricultural products ang nakumpiska nila sa Davao International Airport nito lamang nakalipas na holiday season. 

Dahil dito, muling nagbabala ang Customs sa mga importer ng karne na iwasang magpuslit o magpasok sa bansa ng pork-based meat products mula sa mga bansang apektado ng ASF.

Pag-uulat ni Customs district collector Romalino Valdez, iba't ibang uri kasi ng agricultural products ang nasamsam ng kanilang mga tauhan mula sa mga pasahero na galing China, Hong Kong, USA, Canada, Australia, at Singapore.

Kabilang sa mga ipinuslit sa Davao airport ay mga gulay at prutas, pati mga frozen pecking duck, manok, baboy, baka, at processed meat. 

Hindi umano ito idineklara ng mga pasahero sa kanilang mga bagahe at nadiskubre lang nang idaan sa scanning ng x-ray. 

Ayon sa BOC, agad na isinalang ang mga ito sa inspeksiyon ng Bureau of Quarantine.

Kinumpiska naman ang mga meat product na galing sa mga bansang apektado ng ASF para sa kaukulang disposal.

Ang iba namang agricultural products ay walang kaukulang Sanitary and Phytosanitary Import Clearance kaya kinumpiska rin ng Customs. -Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.