80 trak ng basura nakolekta sa ruta ng Traslacion 2019

ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2019 04:02 PM | Updated as of Jan 10 2019 08:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tone-toneladang basura at mga sira-sirang halaman ang naiwan sa ruta ng Traslacion ng Itim na Nazareno sa Maynila mula Miyerkoles hanggang Huwebes. 

Ayon sa Department of Public Service-Manila, aabot sa 80 trak ang nahakot nila na basura sa Traslacion ngayong taon. Natapos ang paglilinis nila alas-9 ng umaga Huwebes. 

Sa pag-iikot ng ABS-CBN News, makikita ang maraming putol na mga sanga ng puno at halaman, na karamihan ay mula sa center island sa kahabaan ng Padre Burgos. 

Nasira ang nga halaman sa mga center island at mga plant box sa ruta na dinaanan ng Traslacion 2019. Lyza Aquino, ABS-CBN News

May ilan namang halaman na nabunot na mula sa lupa matapos matapakan ng mga deboto.

Nasira din ang mga halaman sa plant box sa southbound lane ng Padre Burgos Corner Victoria sa tapat ng National Museum, maging sa bahagi ng Lawton Avenue bago makarating ng Jones Bridge.

Ang ibang plant box, ginawang tambakan kung saan siniksik ang mga basura.

Ilan pa sa mga basurang nakita ay mga tirang pagkain, styro, at bote.

Ikinabahala naman ng grupong EcoWaste Coalition ang kawalan ng disiplina ng ilang mga deboto.

Ayon kay Aileen Lucero, National Coordinator ng grupo, ang pagkakalat ng basura ay paglabag ng Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act.

Kasabay ng pananampalataya sa Poong Nazareno, iginiit ni Lucero na kailangang matutunan ng mga deboto ang pagrespeto at pagkalinga sa kapaligiran. 

Ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO), nasa 2.5 milyon ang bilang ng mga nakilahok sa mismong Traslacion noong Miyerkoles. ​-- Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.