Text scam, ginagamit ang pangalan ni Duterte

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2018 11:23 PM

Nagpakilala ang isang Atty. Jay Santiago sa biktima sa mensahe at sinabing nanalo siya ng P790,000 mula umano sa President Duterte Foundation.

Kumakalat ang isang text scam na ginagamit ang pangalan ni Pangulong Rodrigo Duterte para makapambiktima sa Sta. Rosa City, Laguna.

Ayon sa pulisya, nagpakilala ang isang Atty. Jay Santiago sa biktima gamit ang text message at sinabing nanalo siya ng P790,000 na mula raw sa President Duterte Foundation.

"Ayon sa kanya (biktima), nakatanggap po siya ng isang text message mula sa nagpapakilalang foundation daw ng ating Presidente Duterte,” ani PO3 Jose Farol III.

Pero may kondisyon ang suspek para ma-claim ang napanalunang pera: kailangan munang magpadala ng halagang P5,800 ang biktima, na dalawang beses na napakagat dito.

Ayon sa biktima, hanggang ngayon ay hinihingan pa rin siya ng pera ng suspek.

Paalala naman ng pulisya, huwag maniniwala sa mga ganitong mensahe mula sa mga hindi kilalang numero lalo pa't wala sinasalihang raffle o promo.

"Para maiwasan po natin waga na lang po nating pansinin o halimbawa wala naman tayong tinatayaan na raffle na ganyan o mga promo wag po tayong magexpect agad,” ani Farol.

Ayon sa pulisya, gagamitin nilang lead ang mga numerong ginamit ng suspek sa panloloko para matunton at malaman ang totoong pagkakakilanlan nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.