Pagtataas ng minimum wage sa Cordillera dahil sa TRAIN, pinag-aaralan na

ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2018 03:49 PM

Kasabay ng inaasahang pagmamahal sa presyo ng ilang bilihin matapos maipasa ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN), pinag-aaralan na ngayon ang posibleng pagtataas ang minimum wage sa Cordillera.

Dahil kasi sa TRAIN, magkakaroon ng dagdag buwis sa produktong petrolyo, sigarilyo, matatamis na inumin, at sasakyan.

Ito ang dahilan kung bakit nag-aalala ang mga motorista, lalo na ang mga namamasada ng jeep at taxi.

"Dapat i-adjust na lang yung pamasahe kasi alangan naman na kami ang sasalo niyan. Wala na kaming kikitain," ayon sa isang tsuper.

Balak ng mga jeepney at taxi driver sa Baguio na maghain ng petisyon para sa dagdag-pasahe sakaling tumaas pa ang presyo ng krudo.

Ayon naman sa Department of Trade and Industry (DTI), asahan na ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin dahil sa TRAIN.

"Yung mga basic necessities wala namang significant changes pero meron...Not right away. Paunti-unti lang," ani Atty. Samuel Gallardo, hepe ng Consumer Protection Division ng DTI-CAR.

Samantala, natatakot naman ang minimum wage earners sa Baguio sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin kahit pa kakaunti lamang ito.

"Hindi po kasi napapagkasya, kasi parang kulang po talaga," ani Rona Salve.

Kaya pinag-aaralan na ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang epekto ng tax reform sa posibleng tapyas sa kita ng mga empleyado.

"Normal na nag-adjust tayo ng sahod ng minimum wage earners, pero this time may factor ang tax reform sa pag-adjust natin...Every week ang monitoring natin kaya dito natin malalaman," ani RTWPB-CAR board secretary Augusto Aquillo.

Sa Marso, posibleng makita na ang resulta ng pag-aaral sa epekto ng tax reform sa mga manggagawa.

Dito nakadepende ang halaga ng maaaring dagdag-sahod ng mga manggagawa.

--Ulat ni Micaella Ilao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.