Basurang nakolekta sa Traslacion 2018, mas marami kumpara noong 2017

ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2018 05:32 PM

Dinumog ng milyon-milyong deboto ang Traslacion ng Itim na Nazareno sa Maynila Martes. Sa kuhang ito, makikita ang andas ng poon habang tinatahak ang Jones Bridge. Erik De Castro, Reuters

MAYNILA - Mas maraming basura ang nakolekta sa ruta ng Traslacion ng Itim na Nazareno sa Maynila ngayong taon kumpara noong nakaraang taon, ayon sa awtoridad. 

Sa tala ng Manila Task Force Clean-up, umabot sa 385 tonelada ng basura ang nakuha sa mga kalsada at kalapit na lugar na dinaanan ng 22 oras na prusisyon. 

Ito ay mas mataas ng 11 porsiyento kumpara sa 341 toneladang basura na nakuha noong Traslacion noong 2017. 

Kinailangang gumamit ang lokal na pamahalaan ng Maynila at ng Metropolitan Manila Development Authority ng 75 na garbage truck upang kolektahin ang basura na iniwan ng milyon-milyong deboto na dumalo sa taunang pahalik sa imahe at prusisyon mula sa Quirino Grandstand hanggang sa simbahan ng Quiapo sa Maynila.

Karamihan umano sa mga basurang nakuha ay mga styrofoam, tira-tirang pagkain, mga nagsilbing higaan ng mga deboto, at plastic bottle na maaaring ihi ang laman.

Naging maputik at mapanghi rin ang Plaza Miranda kaya binomba ito ng tubig na may sabon.

Bukod sa basura mula sa Traslacion, nakakuha rin ng 103 tonelada ng basura sa Maynila noong nakaraang buwan nang idaos ang prusisyon para sa replika ng Itim na Nazareno at ang "Thanksgiving Procession" sa pagtatapos ng taon.

Nauna nang nanawagan ang iba't ibang grupo sa mga deboto na panatilihing malinis ang mga lansangan sa pagdaraos ng Traslacion. 

May 7.6 milyong deboto ang dumalo sa pagtitipon ngayong taon at naging mapayapa naman ang pagdaraos ng Traslacion, ayon sa pulisya. -- ulat mula kay Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.