2 'sinaktan' ng 'hijos'; gate ng bahay nasira sa pagdaan ng mga deboto

ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2018 09:33 PM | Updated as of May 21 2019 05:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Para sa mga nag-organisa ng Traslacion, marami pang dapat gawin para lalong umayos ang mga susunod na prusisyon lalo na’t may inang dumaing na nasuntok ng ‘hijos’ ang kaniyang mga anak habang nasira ang bahagi ng isang bahay dahil sa nagkagulong mga deboto. 

Hindi naiwasang bumuhos ang mga deboto sa loob ng isang bahay sa Castillejos Street na may private event alas-7 nitong Martes ng gabi.

Sapul pa sa video ng isang nanonood ang komosyon sa loob ng compound kung saan nabulabog ang may-ari ng bahay at mga bisita dahil tumambad paglagpas ng Nazareno ang mga nasira dahil sa pagpasok ng mga tao.

Napipi pa ang bubong ng kotse, nabasag ang mga bote, at nasira ang gate. 

"Dahil din siguro sa hindi na makahinga, sobrang mga pawis, doon na siguro tapos kumukuha na lang sila ng tubig diyan," ayon kay Relbert dela Cruz.

Bukod pa rito, idinaing naman ng ina na si Stella Lim na sinaktan umano ng isa sa mga hijos ang dalawa niyang anak habang umaakyat sa andas nitong Traslacion ng Poong Nazareno.

"Wala silang karapatang manakit. Ang tao nagsasakripisyo para makaakyat," aniya.

Ayon kay Fr. Douglas Badong, parochial vicar ng Quiapo Church, isa ang pag-uugaling ito ng mga deboto sa nais nilang mabago sa Traslacion sa mga susunod na taon. 

Mag-aalas-4 naman ng hapon nang lumagpas ang andas ng Nazareno sa Palanca kaya akala ng marami na mapapaaga ang pagdating nito sa simbahan.    

Pero gaya noong isang taon inabot din ng 22 oras ang kabuuang biyahe ng andas at ayon sa simbahan, dahil ito sa maliliit at baradong kalsada. 

"Doon na po talaga naipit at nagtagal gawa na rin siguro ng mga kapistahan na nangyayari. May mga table sa labas, may mga inuman, may mga party," ayon kay Badong. 

Gayunman, tila mas naging taimtim anila ang Traslacion ngayong taon sa tulong ng mga prayer station na tinayo sa 12 bahagi ng ruta. 

"Nakatulong sa mga tao na may marinig silang mga nagdarasal at masapawan namin 'yung mga tugtugan at party," sabi ni Badong.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.