MPD: Mas mahigpit na seguridad at maikling ruta, susi sa mapayapang Traslacion

ABS-CBN News

Posted at Jan 09 2020 08:02 AM | Updated as of Jan 09 2020 08:41 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Naging susi ang maayos na pagpaplano’t mas mahigpit na seguridad sa mas pinaikling ruta ng prusisyon upang maging mapayapa ang Traslacion ngayong taon.

Ito’y matapos magtalaga ng bagong rutang dadaan sa Ayala Bridge imbis sa nakasanayang tatlo pang dinadaanang tulay.

Ayon kay Police Lt. Col Carlo Magno Manuel, tagapagsalita ng Manila Police District (MPD), sa Umagang Kay Ganda, naging pangunahing gawain nilang iklaro ang mga dadaanan ng Andas para maging mas mabilis ang pag-usad ng prusisyon.

“Ito’y resulta na ng pag-uusap, pagpaplano at napagkasunduan ng kapulisan at ng simbahan ng Quiapo. Sinigurado nating magiging clear ‘yung dadaanan ng Andas,” ani Manuel.

Dagdag pa ni Manuel, mapayapa pa sa ngayon ang prusisyon ngunit may kaukulang bilang ng mga pulis namang handang rumesponde sakaling magka-aberya.

“Hindi po natin maiwasan ‘yung tradisyon na magkaroon ng tulakan, sampa roon sa Andas. Hindi po talaga natin maiiwasan. Makikita naman po natin ‘yung po kasi ‘yung nakaugalian nila. ‘Yung main [goal] po natin dito ay walang masaktan o mamatay,” ani Manuel.

Sa tala ng Manila Disaster and Risk Reduction Management Office, aabot na sa 70,000 katao na ang nasa prusisyon kaninang 5:24 ng umaga.

Samatalang 15,000 katao na ang nasa Quiapo Church at 130,000 katao na ang nasa Quirino Granstand sa parehong oras.

Nag-umpisa ang Traslacion ng Itim na Nazareno ng alas-4:15 Huwebes ng madaling araw.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.