Higit 1,000 deboto nangailangan ng tulong-medikal sa gitna ng Traslacion

ABS-CBN News

Posted at Jan 09 2019 07:10 PM

Ilang deboto ang nilapatan ng paunang lunas ng mga tauhan ng Philippine Red Cross (PRC) matapos magtamo ng mga sugat, bali at iba pang injury sa gitna ng Traslacion ngayong Martes.

Umabot sa 1,049 pasyente ang nabigyan ng serbisyong medikal ng PRC, base sa kanilang tala alas-6 ng gabi, mas mataas kompara sa 951 pasyente na naitala noong parehong oras ng nakaraang taon.

Watch more in iWant or TFC.tv

Isa sa mga isinugod sa emergency medical unit ng Red Cross ang 14 anyos na lalaki na halos hindi maigalaw ang kaniyang katawan matapos madaganan ng mga tao sa kasagsagan ng prusisyon.

Nirespondehan din ng mga tauhan ng Red Cross ang 53 anyos na si Ed Dueñas na inatake sa puso habang nasa prusisyon.

Nang bahagyang bumuti ang kaniyang lagay, inihayag ni Dueñas na gusto pa niyang bumalik sa prusisyon pero hindi na siya pinayagan ng mga doktor at inilipat sa ospital.

"May kahilingan pa po ako... kalakasan ng katawan saka sa mga mahal ko sa buhay," ani Dueñas.

Bukod sa atake sa puso, mayroon ding mga debotong nahilo, nagtamo ng mga sugat sa paa at binti, at nabalian ng buto sa balikat.

Nasa 100 volunteers — kabilang ang mga doktor, nars at emergency medical technician — ang nakahanda para tumugon sa mga pasyente.

Bukas ang field hospital at 12 first aid stations ng Red Cross hanggang sa matapos ang Traslacion, na noong nakaraang taon ay tumagal ng 22 oras.

Muling nagpaalala ang Red Cross sa mga deboto na laging hanapin ang first aid station o rescue team sa bawat lugar na dadaanan ng prusisyon sakaling mangailangan ng atensiyong medikal.

--Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.