Bagong batas ukol sa HIV at AIDS pirmado na ni Duterte

ABS-CBN News

Posted at Jan 09 2019 08:14 PM

Nagbunyi ang iba't ibang advocacy group nitong Miyerkoles matapos maisapublikong pirmado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bagong batas ukol sa human immunodeficiency virus (HIV) at acquired immunodeficiency syndrome (AIDS).

Ang Republic Act 11166 o Philippine HIV and AIDS Policy Act ang papalit sa 20 taong batas na Republic Act 8504 o Philippine National AIDS and Control Act of 1998.

Sa ilalim ng RA 11166, libre ang anti-retroviral (ARV) treatment para sa lahat ng mga mada-diagnose na may HIV. Ang ARV ay makatutulong para makontrol ang viral load ng isang HIV positive patient.
    
Mas mataas na rin ang parusa para sa mga magbubulgar ng estado ng isang may HIV sa media at social media.

Pero isa sa pinakamalaking pagbabago ay hindi na kailangan ng pagsang-ayon ng mga magulang para makapagpa-HIV test ang mga menor de edad na 15 pataas.

"Mahirap para sa isang kabataan na magpa-test tapos malalaman ng kaniyang magulang kaagad, samantalang high-risk na siya or at risk na siya," ayon kay Ico Rodulfo, presidente ng grupong Project Red Ribbon.

Mas maagang makapagpapa-test, mas maagang malalaman ang status at makapagpapagamot, ayon sa grupo.

Pagtitiyak naman ng grupong Action for Health Initiatives (ACHIEVE) Inc. ay kahit hindi kasama ang mga magulang, may mga sisiguro sa kapakanan ng mga kabataan pagdating sa HIV testing.

"We would guarantee that there will be social workers, counselors, and medical professionals that will ensure that their interests will be protected," ayon kay ACHIEVE Inc. executive director Mara Quesada.

Sa pinakahuling datos ng Department of Health (DOH), pumalo na sa higit 60,000 ang bilang ng mga Pilipino na may HIV simula nang una itong natuklasan noong 1984.

Noong Nobyembre 2018, umabot sa halos 950 ang naitalang bagong kaso ng HIV. Halos kalahati dito ay nasa edad 25 hanggang 34 habang isa sa bawat tatlong na-diagnose ay edad 15 hanggang 24.

Sumatotal, pumalo sa 10,550 ang bilang ng mga Pinoy na nagpositibo sa HIV sa unang 11 buwan pa lang ng 2018.

Sa isang dokumentaryo ng ABS-CBN DocuCentral noong Disyembre, ipinaliwanag na unti-unti nang umaabot sa antas ng epidemya ang HIV/AIDS sa Pilipinas. 

Ayon naman kay Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao, isa sa mga principal author ng batas, panahon na para tanggapin ng lipunan na may mga menor de edad talaga na maagang nakikipagtalik at kailangang maturuan sila na maging responsable sa kanilang mga ginagawa. —Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.