ALAMIN: Parusa vs overloading na bus

ABS-CBN News

Posted at Jan 09 2019 02:19 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Madalas ang pagkakataong tila de-latang sardinas na ang sitwasyon sa maraming bus dahil sa pilit na pagsisiksik ng mga pasahero.

Pero nagbabala ang isang abogado na ipinagbabawal ang overloading o iyung paglampas ng bilang ng pasahero sa carrying capacity ng isang sasakyan.

Ayon kay Atty. Claire Castro, may nakatakdang carrying capacity ang bawat sasakyan na dapat sundin, batay sa Republic Act 4136 o Land Transportation and Traffic Code.

"Ibig sabihin ito lang 'yung allowed mo na ikarga o isakay na pasahero. So kung labis ang cargo mo o ang sakay mo kasi hindi 'yun 'yung capacity mo, eh ikaw ay violating ka ng overloading," ani Castro sa "Usapang de Campanilla" nitong Martes.

Ayon sa abogado, maaari kasing malagay sa peligro ang buhay ng iba pang motorista sakaling pumutok ang gulong ng mga bus, na karamihan ay mga luma nang modelo.

"Iyung gulong niyan kumbaga kaya mo lang i-carry 'yung tama mong load. So pag more than 'yung tire pumutok minsan masyadong heavy 'yung load," ani Castro.

Paliwanag ni Castro, may karampatang parusa ang mga lalabag sa naturang batas.

"Actually kung susundin natin 'yung batas noong 1964, P100 lang [ang penalty] kaya parang binabalewala. At feeling ko at the same time walang nanghuhuli... Kung paulit ulit kang nagba-violate, puwede kang matanggalan ng prangkisa o ma-suspend pa," ani Castro.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.