Kaligtasan, isinusugal kapalit ng hiling, karanasan sa Traslacion

ABS-CBN News

Posted at Jan 09 2018 09:15 PM | Updated as of May 29 2019 05:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Iba't ibang panalangin, inilapit sa Poon
Pamamanata, kuwestiyonable sa ilang bagito
Prayer stations 'nakatulong sa taimtim na pananalig'

Natatangi sa bansa ang debosyon ng daan-daang libong namamanata sa Traslacion ng Itim na Nazareno tuwing Enero 9.

Sa okasyong dinadagsa ng mga bata't matatanda, matutunghayan din ang iba't ibang paraan ng pagbibigay pugay sa Poon ng mga beterano at bagitong deboto.

Si Roberto Bernardino, limang dekada nang deboto ng Poon.

Kahit naka-wheelchair na at dinaramdam ang iba't ibang sakit, hindi pa rin siya natitinag at dumarayo pa rin sa Traslacion.

Hindi rin alintana ng 54 anyos na si Armado Trinidad ang kapansanan basta makabahagi lang sa Traslacion. 

Putol ang isang binti ni Trinidad at nakasaklay na sumasabay sa alon ng mga namamanata sa Itim na Nazareno.

Sinasalamin nina Bernardino at Trinidad ang sakripisyong alay ng mga deboto sa pag-asang matutupad ang kanilang hiling sa Poon.

Kapwa nanalangin para sa kalusugan at magandang kinabukasan ng pamilya sina Bernardino at Trinidad.

Tulad nila, kapakanan din ng mag-anak ang kadalasang inilalapit ng iba pang namamanata.

May mga magulang ding isinasama ang mga anak sa siksikan ng mga deboto.

Paraan daw ito ng mga magulang para mamulat sa debosyon ang kanilang mga anak.

Apo naman ang laman ng panalangin ni Emelita Ibay.

Habang iwinawagayway ng mga deboto ang puting panyo sa pagdaan ng andas ng imahen ng Itim na Nazareno, iwinasiwas naman ni Ibay ang medical abstract o ang dokumentong nagpapakitang may diabetes ang kaniyang siyam na anyos na apo.

Pumila rin si Ibay ng 15 oras para sa pahalik sa Quirino Grandstand, sa pag-asang tutuparin ng Poon ang hiling na gumaling sa karamdaman ang apo. 

SUMASAMPA SA ANDAS

Karamihan sa mga deboto, panata na ang makalapit at makasampa sa itinutulak na andas kung saan nakasakay ang imahen ng Itim na Nazareno. 

Peligroso mang maituturing, sinusuong pa rin ito ng mga namamanata para sa kanilang mga personal na hiling.

Kuwento ni John Jemerson Basa, nabasag ang bahagi ng kaniyang ipin nang umakyat sa andas at bumagsak mula roon nang mahawi ng iba pang deboto.

Pero di niya ito alintana dahil nakahalik naman daw siya sa Poon.

Hindi rin ininda ni Janine Cunanan-Morales ang natanggal niyang kuko sa pagsampa sa andas.

Pagsubok naman sa pananampalataya kung ituring ni Jexter Deciano ang sakit na ininda sa balikat matapos mabagsakan ng isang pumapasan sa andas.

SINSERIDAD NG MGA BAGITO

Tulad ng mga nakaraang Traslacion, napansin ng ilang deboto ang tila hindi raw pagseseryoso sa okasyon ng ibang namamanata.

Unang beses pa lang maki-Traslacion ni RJ Maramigan, at pasigaw niyang ipinagmalaki sa news team na ginagawa niya ito para mabawasan ang kaniyang kasalanan.

Nakapanayam din ang isang debotong 14 anyos pa lang at gustong sumampa sa andas.

Pero nang tanungin kung ano'ng hiling niya sa Poon, sinabi ng binatilyo na nalimutan niya.

Para sa ibang nakakapansing mga deboto, hindi na yata maiiwasan ang tila hindi pagseseryoso ng ilang dumadalo sa pista. 

First time din lang ni Jimson Mansanero na maki-Traslacion at aniya, gusto niya lang kasing ma-experience ito.

Maging si Gemmalyun Panican, nais lang daw masubukan kung paano ang siksikan ng mga deboto.

PAKIUSAP NG SIMBAHAN

Watch more in iWant or TFC.tv

Tingin ng simbahan, dapat nang mabago ang nakagawiang balyahan para lang makaakyat sa andas ang deboto at literal na mailapit sa imahen ang kanilang personal na panalangin.

Ngayong taon, naglagay na ng 12 prayer station sa ruta ng Traslacion.

Ayon kay Fr. Joy Zabala, kura paroko ng Minor Basilica of San Sebastian, layunin ng prayer stations na ipaalala sa mga deboto ang pagdadasal nang taimtim sa Traslacion.

Bago pa dumating ang andas sa bawat istasyon, sunod-sunod na ang pagdarasal ng rosaryo.

Para sa ilang debotong nanguna sa pagdarasal, naramdaman nilang mas naging taimtim ang pananalangin dahil sa mga nasabing istasyon.

Ayon kay Zabala, pag-uusapan pa kung itutuloy sa susunod na mga traslacion ang paglalagay ng mga prayer station.

Hanggang hindi pa natatapos ang Traslacion, hindi pa maikukumpara kung mas naging mabilis ba o matagal ang prusisyon ngayong taon ng imahen ng Itim na Nazareno.

Sa tantiya ng Manila Police District, pumalo sa 2.5 milyong deboto ang nasa loob at labas ng Quiapo Church nitong hapon ng Enero 9. 

Tulad ng mga nakalipas na Traslacion, nawala ang ilang batang isinama ng mga magulang sa pamamanata. 

May ilang deboto ring hinimatay sa tindi ng init at siksikan sa simbahan.

Una nang sinabi ng Simbahan na kada taon, nadaragdagan ng limang porsiyento ang deboto ng Itim na Nazareno.

-- Ulat nina Noli de Castro, Raphael Bosano, at Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.