PNP handa sa kasong isasampa ng ACT dahil sa 'profiling'

ABS-CBN News

Posted at Jan 08 2019 07:00 PM

Iginiit ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde na handa ang kaniyang hanay na harapin ang ano mang kasong ibabato ng grupong Alliance of Concerned Teachers (ACT) laban sa kanila. 
 
Kasunod ito ng umano’y pag-“leak” o pagbunyag sa pagkuha ng listahan ng mga gurong kasali sa naturang grupo. 

Ani Albayalde, handa silang sagutin ang mga akusasyong haharapin nila at posible rin daw silang maghain ng countercharges kaugnay ng insidente. 

"Karapatan naman nila 'yun, hindi ba? I think it's up to anybody. Sabi ko nga sa iyo 'yung kapitbahay mo kahit wala kang ginagawa sa iyo puwede mong kasuhan dito sa Pilipinas eh, tatanggapin pa rin ng korte 'yan," ani Albayalde sa isang press conference. 

Iginiit ni Albayalde na nirerespeto nila ang karapatan ng mga guro ngunit nais din nilang maimbestigahan kung miyembro ang mga guro ng mga makakaliwang grupo. 

“It's because we want to separate people here. Hindi lahat ng member ng ACT are supporting the Left. Tandaan niyo 'yan kaya kailangan makita kung sino talaga ang sumusuporta in their organization," he said. 

Pero ayon sa Commission on Human Rights, ang pagmamarka umano sa grupo ay mapanganib sa buhay ng mga guro. 

“Say for example you are profiling a person on the basis of his or her membership in an organization, whereas membership in an organization is not factually or legally illegal, then problematic iyon kasi na-e-endanger ang tao based on wrong assumption,” aniya. 

"They may be targets of the police and the military and there could be acts committed against them which puts them at a risk," dagdag niya. 

Para naman kay Senador Panfilo Lacson, dapat i-profile ng PNP ang mga pasaway na miyembro ng pulis at militar. 

"The PNP should instead conduct profiling and surveillance on dishonorably discharged PNP and AFP personnel to keep track of their post-discharge activities including their lifestyle," ani Lacson, na dating police chief. 

Nanawagan naman ang Makabayan bloc na imbestigahan sa Kongreso ang nangyari. 

"Kinokondena natin ang paniniktik ng mga pulis. Hindi kriminal ang mga teacher na iyon, walang silang ginagawa na labag sa batas,"ayon kay ACT party-list Rep. Antonio Tinio. 

"Mga teachers na nga ang kulang sa suweldo, bayani daw ng gobyerno, siya pa ngayon ang nakakaranas ng harrasment at intimidation," ayon sa kapwa kinatawan ni Tinio na si France Castro. 

Pero nanindigan si Albayalde na wala silang gingawang masama dahil bahagi ng kanilang trabaho ang "profiling". 

Dagdag niya, hindi nila kinokonsiderang kaaway ang ACT pero gusto nilang tingnan kung mayroon sa kanilang sumusuporta sa makakaliwang grupo.

“We are not saying this ACT is the enemy of the state. We are pointing here of individual, not the organization kaya nga (that is why) there are intelligence gathering and we have been doing intelligence gathering since time immemorial," aniya. 

-- May ulat nina Jasmin Romero, Robert Mano, at Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.