Pelikula tungkol sa kandidato sa halalan, legal ba?

ABS-CBN News

Posted at Jan 08 2019 01:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinapayagan ba ng batas ang mga pelikula tungkol sa isang kandidato sa halalan? 

Nilinaw ni Atty. Noel Del Prado na ipinagbabawal sa batas ang maglabas ng pelikula tungkol sa isang kandidato sa kasagsagan ng campaign period. 

Ipinagbabawal ding bumida sa isang pelikula ang isang kandidato sa kasagsagan ng nasabing panahon. 

Batay ito sa prinsipyong "equal access to media time and space" ng Republic Act 9006, o Fair Election Act kung saan may karapatan ang bawat kandidato sa patas na oras at espasyo sa media para mangampanya. 

Paliwanag ni Del Prado, hindi lahat ng mga kandidato ay may kakayanang maglabas ng pera para sa kaniyang pelikula. 

"Kung ang pelikula tungkol sa'yo... mayroong advantage ang kung sino man [ang] nasa biopic," sabi ng abogado sa "Usapang de Campanilla" ng DZMM nitong Lunes. 

Narito ang nakasaad sa Section 6.7 ng batas: 

"No movie, cinematograph or documentary portraying the life or biography of a candidate shall be publicly exhibited in a theater, television station or any public forum during the campaign period." 

Matatandaang nauna nang sinabi ng Commission on Elections na hindi maaaring ilabas ang biopic ni dating PNP police chief Ronald "Bato" Dela Rosa ngayong campaign period. 

Mga wasto at hindi wastong election paraphernalia

Nakalahad din sa batas kung ano ang tamang sukat at oras sa gagamiting election paraphernalia. 

"Sa batas na ito sinasabi o itinatalaga 'yung mga gawain na puwedeng gawin, ibig sabihin 'yung mga puwede at di puwedeng gawin sa pangangampanya," ani Atty. Noel Del Prado. 

Ayon sa Section 3 ng Fair Election Act, narito ang ilang maaaring gamitin ng mga kandidato sa pangangampanya: 

  • Pamphlet, leaflet, cards, decals, sticker o iba pang materyales na hindi lalagpas ng 8 1/2 pulgadang lapad at 12 pulgadang haba. 
  • De-sulat o nakaimprentang mga liham na nanghihikayat sa mga mamboboto na bumoto o huwag bumoto sa mga partido o kandidato. 
  • Mga poster na hindi lalagpas ng 2 x 3 talampakan. Para sa mga streamer na gagamitin sa mga election rally, maaaring gamitin ang 3x8 talampakang streamer, pero maaari lamang ito i-display 5 araw bago ang naturang election rally at dapat tanggalin ito 24 oras matapos ang election rally. 
  •  Mga advertisement na ilalabas sa mga pahayagan o telebisyon. Dapat ding nakalahad kung sino ang nagbayad para mapalabas ang advertisement.

Mapaparusahan ng pagkakulong nang hindi lalagpas ng 6 taon at isasailalim sa probation ang mga lalabag na kandidato. Bukod dito, pagbabawalan silang tumakbo bilang opisyal at bumoto sa mga halalan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.