US, Canada at UK nagbabala kaugnay ng ‘traslacion’

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Jan 08 2017 02:02 PM | Updated as of Jan 09 2017 02:30 PM

Devotees touch the image of the Black Nazarene at the Quiapo Church in Manila on Tuesday. The image of the Black Nazarene, which originated from Mexico in the 17th century and is considered miraculous, has drawn strong devotion from millions of Filipino Catholics. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Halos sabay-sabay na binabalaan ng mga gobyerno ng Estados Unidos, United Kingdom at Canada ang kani-kanilang mga mamamayan na umiwas sa lungsod ng Maynila kaugnay sa taunang traslacion ng itim na Nazareno.

Sa isang security message na inilabas ng US Embassy, binanggit na imposibleng maglakbay sa Maynila at mga karatig na lungsod bunsod ng pagsasara ng mga kalsada at pagdagsa ng mga deboto.

Nakasaad din ditong walang cellphone signal sa lugar ng traslacion kaya mahirap ang telekomunikasyon.

Binalaan naman ng British government ang kanilang mga mamamayang nasa Pilipinas na umiwas sa Maynila dahil sa umano'y banta ng terorismo.

Magiging matao sa lungsod kaya dapat maging maingat at sumunod sa mga alituntunin at seguridad na ipinatutupad ng mga otoridad sa Pilipinas.

Sa panig ng Canadian government, nakasaad naman sa anunsyo ng Canadian Embassy na magiging masikip ang trapiko sa Maynila dahil sa traslacion.

Pero naniniwala ang Canada na payapa ang taunang traslacion, at kung nais daw ng kanilang mga mamamayan na saksihan ang prusisyon ay maging maingat na lamang.

Inaasahan ang pagdagsa ng halos 18 milyon deboto sa Quiapo sa Lunes upang dumalo sa prusisyon ng itim na Nazareno.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.