Umano'y extortionist ng mga tricycle driver, huli sa entrapment

ABS-CBN News

Posted at Jan 07 2018 09:03 AM

MANILA - Huli sa isang entrapment operation ng Manila Traffic and Parking Bureau ang isang babaeng nangingikil umano sa mga tricycle driver sa Brgy. 506, Sampaloc, Maynila Sabado ng hapon.

Inaresto ang suspek na si Cherry Cruz matapos abutan ng marked money na dapat raw ay "lagay" sa kanya ng nagreklamong tricycle driver.

Kwento ng complainant na si Enrique Gloida, nagpakilala ang suspek na taga-singil umano ng Manila Tricycle Regulatory Office.

Lumapit daw sila kay Cruz upang hindi sila hulihin ng MTRO dahil sa kakulangan ng mga permit para maka-biyahe.

Nag-alok naman ang suspek na dikitan ang kanilang mga minamanehong tricycle ng sticker para sa halagang P150, at karagdagang P50 kada linggo. Hindi na raw sila huhulihin ng MTRO basta ipakita ang sticker na ito.

Itinanggi naman ng suspek ang mga paratang laban sa kanya.

Ayon sa MTPB, kakasuhan ang suspek ng robbery extortion, at pati na rin usurpation of authority. -- ulat ni John Lester Valentin, ABS-CBN News