Nasa 10,000 OFW apektado ng partial ban sa Kuwait

ABS-CBN News

Posted at Jan 06 2020 07:04 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Noong Disyembre, masigasig na inasikaso nina Janice Pacido at Norinda Siman ang kanilang mga dokumento para agad makaalis ng bansa ngayong Enero papuntang Kuwait at makapagtrabaho roon.

Pero naunsiyami ang mga plano ng 2 dahil sa ibinabang partial deployment ban sa Kuwait bunsod ng pagkamatay ng domestic helper na si Jeanelyn Villavende sa kamay umano ng kaniyang employer.

Ang problema rito, para kay Pacido, ay siya lang ang inaasahan ng 9 niyang kapatid at mga magulang sa Davao del Norte.

"Matanda na sila tapos nagtatrabaho pa sa bukid," ani Pacido sa panayam ng ABS-CBN News.

Hindi naman makauwi ng Bohol si Siman lalo at pinangutang niya rin lang ang pamasahe papuntang Maynila.

"Wala na akong perang iuuwi kaya maghanap na lang ako ma-sideline ko para makatulong din ako sa pamilya ko," ani Siman.

Tinatayang nasa 10,000 tao ang hindi makaalis ngayon dahil sa partial ban sa Kuwait, ayon sa Coalition of Licensed Agencies for Domestic and Service Workers (CLADS).

Ayon din sa CLADS, maaaring i-reimburse ang gastos ng mga worker pero mas marami ang gusto pa ring tumuloy sa kontrata dahil mayroon nang mga employer.

Apektado rin ang mga recruitment agency at employer, na lugi ng hanggang $1,900 o halos P100,000 kada worker.

Sa kabila nito, nilinaw ng CLADS na hindi sila tutol sa ban. 

Miyembro ng CLADS ang ahensiya na nag-deploy kay Villavende.

Nangako ang babaeng employer ni Villavende na pauuwiin niya ito sa Enero dahil na rin sa hiling ng pamilya, ayon kay CLADS President Lucy Sermonia.

Kaya nagulat si Sermonia nang malaman ang sinapit ni Villavende.

"Sana ibinalik niya na lang sa agency... kaysa nilagay niya ang parusa sa kamay niya," ani Sermonia.

Pinayuhan din ng CLADS ang mga OFW na hindi umano masaya sa amo na makipag-ugnayan sa mga ahensiya para mapauwi o mailipat ng employer.

Nauna nang sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na kailangan munang masampahan ng kaso ang mga employer ni Villavende bago pag-aralan ang pag-aalis sa partial ban.

Kailangan ding pumayag ng Kuwait sa isinusulong ng bansa na template employment contract para sa lahat ng magtatrabaho sa Kuwait.

"It would take some time pero hindi mahirap," ani Labor Secretary Silvestre Bello III.

Nakatakdang ilabas ang forensic report sa pagkamatay ni Villavende sa loob ng 2 araw. -- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.