Seguridad pinaigting na para sa pista ng Nazareno

ABS-CBN News

Posted at Jan 06 2019 07:26 PM

Rumoronda ang mga pulis sa lugar na nakapalibot sa Minor Basilica of the Black Nazarene sa Quiapo, Maynila noong Enero 3, 2018. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Nagpakalat na ng kanilang mga tauhan ang Manila Police District (MPD) sa mga lugar na pagdarausan ng mga aktibidad kaugnay sa Pista ng Itim na Nazareno.

Nasa 600 pulis ang itinalaga ngayong Linggo sa rutang dadaanan ng blessing at prusisyon ng mga replika ng Itim na Nazareno, na idaraos sa Lunes, sabi ni MPD chief Senior Superintendent Vicente Danao.

Pinaigting na rin ang checkpoints sa lugar na nakapalibot sa Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo church, ani Danao.

Ayon pa kay Danao, dadagdagan pa nila ang mga itatalagang pulis sa mga susunod na araw.

Nauna nang sinabi ng National Capital Region Police Office na aabot sa 7,200 ang kabuuang bilang ng mga pulis na itatalaga sa mismong Traslacion ng Itim na Nazareno sa Miyerkoles, Enero 9.

Sa 7,200, 2,200 rito ay magmumula umano sa MPD habang ang 5,000 iba pa ay manggagaling sa iba pang sangay ng pulisya sa Kamaynilaan.

Samantala, umarangkada na rin ang paghahanda para sa "Pahalik" sa Itim na Nazareno na nakatakda sa Martes sa Quirino Grandstand.

Naglagay na nitong Linggo ng plastic barriers sa Quirino Grandstand ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Inihanda na rin ang mga first aid station at ambulansiya sakaling magkaroon ng disgrasya o magkaproblema sa kalusugan ang mga dadalo sa "Pahalik."

Kung noong nakaraang taon ay magkahiwalay ang pila para sa mga babae at lalaki sa "Pahalik," pag-iisahin na ang pila ngayong taon, sabi ni Edward Gonzales, head ng road emergency ng MMDA.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagreklamo daw kasi ang ilang magkakamag-anak at magkakasama noong nakaraang taon dahil hiwalay pa ang pila, ani Gonzales.

Ibig sabihin, dalawa na lang ang magiging pila sa "Pahalik" ngayong taon -- isa para sa mga deboto, mapa-babae man o lalaki, at isa para sa mga person with disability, senior citizen at buntis.

Inaasahang sa gabi ng Lunes pa lang ay dadating na ang mga deboto sa Quirino Grandstand para pumila sa "Pahalik."

Sinuspende na ng pamahalaang lokal ng Maynila ang pasok sa lahat ng pribado at pampublikong paaralan sa lungsod sa Miyerkoles upang bigyang daan ang Traslacion.

Sinuspende na rin ng Korte Suprema ang trabaho sa lahat ng korte sa Maynila sa Miyerkoles.

Inilabas na ng mga awtoridad ang listahan ng mga isasarang kalsada sa Maynila at mga alternatibong ruta para sa Traslacion.

Milyon-milyong tao ang inaasahang lalahok sa Traslacion ngayong taon.

Noong nakaraang taon, tumagal ng 22 oras ang paghahatid sa andas ng Itim na Nazareno mula Quirino Grandstand hanggang Quiapo Church.

--Ulat nina Arra Perez at Abner Mercado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.