'Overstaying' Korean national na nagpanggap na Pinoy, timbog sa NAIA

ABS-CBN News

Posted at Jan 06 2019 07:37 PM

Nakakulong ngayong Linggo sa detention facility ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Korean national matapos mapag-alamang overstaying at tinangka pang lumabas sa Pilipinas gamit ang pekeng pasaporte.

Kinilala ang suspek na si Kwak Dong Hee, na naaresto sa departure area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 papunta sanang Vietnam.

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, ginamit ni Kwak sa kaniyang passport ang pangalang Erik Nacis, na tubong Meycauayan, Bulacan umano.

Naghinala ang Immigration officer na nagpoproseso kay Kwak nang mapagtantong hirap siyang makipag-usap gamit ang Filipino o ano mang lokal na lengguwahe.

Kalauna'y inamin ni Kwak na isa siyang Korean citizen at peke ang kaniyang pasaporte.

Isa rin umanong Korean national na hindi niya pinangalanan ang gumawa ng kaniyang pekeng passport sa halagang P120,000.

Agosto 2015 dumating sa bansa si Kwak, o nangangahulugang mahigit tatlong taon na siyang overstaying.

Hinahanda na ang mga kasong isasampa sa suspek, na ipade-deport din.


--Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.