Mga batang namerwisyo ng mga sasakyan sa Baguio tukoy na

ABS-CBN News

Posted at Jan 06 2019 09:45 PM

Natukoy na ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga batang nakuhanan ng CCTV na nag-ikot sa Baguio City at naglagay ng mga vandal sa mga naka-park na sasakyan noong Enero 2.

Sa tulong ng CCTV, natunton nila ang barangay kung saan nakatira ang mga kabataan.

"Na-identify 'yung mga suspek, nalaman namin 'yung mga pangalan. Mga bata talaga. Dalawang 9 years old, tatlong 12 years old," ani SPO1 Dionisio Lomerez Jr. ng Baguio police na siyang nakatoka sa kaso.

Naging lead din ng kanilang imbestigasyon ang mga isinulat na vandal. Pangalan ng isang tanod sa barangay ang isa sa mga itininta sa sasakyan.

Ayon sa tanod, isa raw siya sa mga naninita sa mga bata tuwing curfew hours.

"Kasi siguro naiinis sila sa akin kasi lagi ko silang pinapauwi tuwing curfew hours," ani Antonio Sison, tanod.

Ipinatawag na raw ng Barangay East Modern Site ang mga magulang ng mga bata.

"Pina-call namin 'yung parents, eh saktong meeting namin ng barangay council. Sabi ko, kung di mo aaminin ito, ikaw lang magbabayad niyan," ani punong barangay Peter Bucasan.

Nasa 10 na ang pormal na naghain ng reklamo sa pambababoy umanon sa kanilang sasakyan. 

Sa Martes nakatakda ang dialogue kasama ang mga suspek, nabiktima, Department of Social Welfare and Development, at barangay.


—Ulat ni Justin Aguilar, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.