ALAMIN: 'Emerging jobs' at mga kakayahang dapat hasain para rito

ABS-CBN News

Posted at Jan 06 2019 07:36 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dating dealer ng softdrinks ang 39 anyos na si Francis Diaz pero pinasok niya ang pagmamaneho ng transport network vehicle service (TNVS) tulad ng Grab sa pagnanais na kumita nang mas malaki.

Makalipas ang tatlong taon mula nang maging Grab driver, gamit ang kaniyang naipon, nakapagpundar ng sariling sasakyan si Diaz na ginagamit niya sa pagpasada.

"Hawak mo iyong oras mo... Kasi sa business, 'yong pressured ka rin talaga. 'Di gaya rito kung gusto mong magpahinga, puwede kang magpahinga," ani Diaz.

Ang mga trabaho tulad ng TNVS driver ay isa sa mga tinatawag na emerging jobs, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Ang emerging jobs ay mga trabahong bunga ng pag-usbong ng teknolohiya na nakikitang mas makapagbibigay ng dagdag-trabaho sa bansa, ani Dominique Tutay, direktor ng Bureau of Local Employment ng DOLE.

"Hindi siya nage-exist before but lumulutang na siya ngayon... doon po papunta ang ating employment or jobs in the future," paliwanag ni Tutay.

Kabilang sa listahan ng DOLE ng emerging jobs ang mga sumusunod:

  • Business process analyst
  • Data scientist
  • Design engineer
  • Electronic mail and support chat agent
  • Evisceration processor
  • Genomicist
  • Hair transplant technician
  • Mobile app developer
  • Nanotechnologist
  • Order tracker/coordinator
  • Search engine optimization analyst
  • Social media analyst
  • Transport network vehicle service driver

"These are high-skilled, high-paying and high-valued jobs," ani Tutay.

"[These jobs] would also cut across different sub-sectors. So halimbawa, in construction, manufacturing, tourism, logistics," dagdag ni Tutay.

Ayon kay Tutay, bukod sa kaalaman sa teknolohiya, dapat ding pag-ibayuhin ng nais pumasok sa emerging jobs ang kanilang "soft skills" tulad ng problem-solving at communication skills, at tamang pakikisalamuha sa trabaho.

--Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.