Pamilya ng Pinoy na balik-bitay sa Saudi, nanawagan ng tulong

ABS-CBN News

Posted at Jan 06 2018 05:09 PM

Masamang balita ang sumalubong sa Bagong Taon ng anim na Pinoy matapos katigan ng criminal court ng Jeddah, Saudi Arabia ang hatol sa kanila kaugnay sa pagpatay sa tatlong kapwa Pilipino noong Abril 2006.

"Ang nangyari naglabas ng sentensiya 'yung presiding judge na 'yung dalawa doon sa accused ay hinatulan ng death," ayon kay Alexander Estomo, Vice Consul ng Philippine Consulate General sa Jeddah.

Ang apat namang co-accused ay hinatulan ng 15 taong pagkakakulong at 1,500 na panlalatigo. 

Isa sa mga nahatulan ay pumanaw na dahil sa sakit habang nasa kulungan pa ito.

Panawagan

Humihingi naman ng tulong sa gobyerno ang asawa ng isa sa mga nahatulan ng bitay na si Eduardo Arcilla.

Noong 2009, nabigyan ang pamilya ng mga biktima ng blood money na P15 milyon mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Sa ilalim ng batas ng Saudi Arabia, maaaring magbigay ng blood money ang isang akusado sa pamilya ng biktima ng pagpatay kapalit ng sentensiyang bitay. 

"Hindi namin sukat-akalain na muling maibabalik ['yung sentensiya]... sana Pangulong Rodrigo Duterte tulungan ninyo kami," ani Mila.

Nanindigan si Mila na walang kinalaman sa nangyari ang kaniyang mister.

Ayon sa konsulado, maaari pang i-apela ang hatol.
 
Kung papanigan ng Court of Appeals ang desisyon ng criminal court, iaakyat pa ito sa Supreme Judicial Council sa Riyadh.

Kung papanigan naman ng Supreme Judicial Council ang desisyon ng Court of Appeals at criminal court, iaakyat nila ito sa hari ng Saudi Arabia.

Hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang embahada na mapapawalang-sala o mababaliktad ang desisyon ng korte.

"Mayroon pang pagkakataon na mapigilan pa itong implementation ng kamatayan dito sa dalawang kababayan natin," ani Estomo.

Dagdag ni Estomo, maayos naman daw ang lagay ng mga akusado.
 
Sa susunod na linggo ay uumpisahan na ang pag-draft ng appeal sakaling matanggap na ng konsulado ang kopya ng desisyon ng korte. -- Ulat nina Gracie Rutao, Charles Tabbu, at Pauline Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.