P204-K halaga ng 'shabu' nakuha sa QC drug bust

ABS-CBN News

Posted at Jan 05 2020 12:34 PM

Nasa P204,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng Quezon City Police District (QCPD) sa isang lalaking naaresto sa buy-bust operation sa lungsod noong gabi ng Sabado.

Sa ulat, kinilala ng QCPD ang suspek bilang si Rashed Madendog, 38, o mas kilala sa alyas na "Lupin."

Hinuli ng mga awtoridad si Madendog matapos niyang bentahan ng umano ay shabu sa halagang P7,000 ang isang pulis na nagpanggap na buyer, ayon sa ulat ng pulisya.

Nangyari umano ang operasyon sa may North Avenue, Barangay Pag-asa bandang alas-11 ng gabi.

Nakuha sa suspek ang 2 sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, na may timbang na nasa 30 gramo at may halagang nasa P204,000, ayon sa QCPD.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

-- Ulat ni Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.