Mga bumalangkas ng 1987 Constitution, may 'kaba' sa Cha-cha

ABS-CBN News

Posted at Jan 05 2018 10:31 PM | Updated as of Jul 03 2019 04:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Apatnapu’t walong eksperto ng iba’t-ibang sektor ang magkakatulong na bumalangkas sa 1987 Constitution sa loob ng 111 araw noong 1986.

Ang Saligang Batas na ito ay kinikilalang salamin ng pagbabalik-demokrasya sa Pilipinas. 

Pero sa pagpasok ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, tina-target muling mapalitan ito.

Ang malaking ikinatatakot ni Atty. Christian Monsod, na miyembro ng 1986 Constitutional Commission, tila may agenda ang Duterte administration.

Kung dati raw kasi ay panay sabi ng Pangulo na agad siyang bababa sa puwesto oras na mapalitan ang presidential-unitary government papunta ng federalism, tila aniya nag-iba ang ihip ng hangin.

“Sabi niya pag napasa ang federal government, he will step down kasi meron na [siyang] legacy. But that’s not what he’s talking now. Ngayon ay puwede nang ma-extend. Kung gusto ng Congress eh gusto na rin niya,” ani Monsod.

Tingin pa ni Monsod, ang ipinopormang federal form of government ng administrasyon ay lapat para mapako sa puwesto si Duterte.

Si Senate President Koko Pimentel, na pangulo rin ng PDP-Laban, mabilis na itinanggi ang mga pahayag ni Monsod.

Di raw kasi puwedeng sabihing "Duterte version" ang isinusulong nilang federalism dahil 1982 pa lang ay adbokasiya na ito ng PDP-Laban.

Pero si Senador Richard Gordon, na miyembro rin ng 1986 Constitutional Commission, nananatiling kontra sa ideyang palitan ang kasalukuyang Saligang Batas. 

Puwede kasi aniyang maimpluwensiyahan ng sinumang pangulo ang mga magbabalangkas ng bagong Konstitusyon.

Ihahain na ni Pimentel sa susunod na linggo ang resolusyong hihiling na gawin nang federal-bicameral ang porma ng gobyerno.

Hihimayin naman ito ng Senate committee on revision of laws ni Senador Kiko Pangilinan.

--Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.