Senior citizen natagpuang nakalibing sa tubuhan sa Negros Occidental

ABS-CBN News

Posted at Jan 04 2020 06:21 PM

Isang 60 anyos na babae ang natagpuang nakalibing at tinabunan ng buhangin at mga dahon sa isang tubuhan sa bayan ng Ilog sa Negros Occidental nitong Biyernes.

Kinilala ang senior citizen na si Melba Paglumotan, na nakitaan ng mga tama ng saksak sa braso at likod. Bali din ang kaniyang leeg.

Ayon sa hepe ng Ilog Police na si Police Maj. John Ganzon, huling nakita si Paglumotan na kasama ang kaniyang live-in partner, na ngayon ay suspek na sa krimen.

Dagdag ni Ganzon, posibleng may pinag-awayan ang dalawa na nagresulta sa pagpatay ng suspek sa kaniya.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.